MANILA, Philippines - Dalawa ang patay, habang isang estudyante ang nasugatan makaraang pagbabarilin ng dalawa sa tatlong motorcycle riding suspect ang loob ng dalawang pampaherong jeepney sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Ricardo Reyes, 53, at isang hindi nakikilalang biktima na nakasuot ng polo shirt na may tatak na Our Lady Lourdes College, at long pants.
Kinilala naman ang sugatang si Deo Michael Osiana, 18, HRM student sa Far Eastern University hospital na ginagamot sa Bernardino Hospital.
Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa tatlong mga suspect na sakay ng isang motorsiklo at tumakas patungo sa Novaliches.
Nangyari ang insidente sa may harap ng Holy Cross Memorial Park sa Quirino Highway, Brgy. San Bartolome ganap na alas-11:30 ng umaga.
Sa pagsisiyasat, sakay umano ang biktimang si Reyes sa jeepney (PXP-199) na biyaheng Nova-Blumentritt nang biglang mag-overtake ang motorsiklo sakay ang tatlong kalalakihang suspect. Dalawa sa mga suspect ang biglang bumaba sa motorsiklo at saka nilapitan mula sa likuran si Reyes at binaril sa katawan.
Matapos nito, hinabol naman ng mga suspect ang biktimang naka-suot ng Our Lady of Lourdes College habang nagpapaputok ng baril sa ere.
Para maka-iwas sa mga suspect ang nasabing biktima ay agad na sumakay ito sa isa pang pampasaherong jeepney (NXX-292) na minamaneho ni Luis Tapispisan, 45.
Pagsakay ng jeepney ng biktima ay binaril ito ng mga suspect at tinamaan sa paa, pero kahit sugatan ay nagawa pang makababa nito, hanggang sa pagbabarilin muli ng mga huli sa likuran dahilan upang bumuwal na ito sa kalsada.
Ilang sandali ay nakita ring sugatan si Osiana matapos na tamaan ng ligaw na bala sa paa.