Binatilyo todas sa 3 holdaper
MANILA, Philippines - Napatay sa saksak ang isang 18-anyos na binatilyo nang makorner ng tatlong lalaking holdaper na kanyang iniwasan upang hindi maagaw ang cellphone sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Tondo ang biktimang si John Carlo Denver, ng Bontoc St., Tondo, Maynila sanhi ng tama ng saksak sa katawan.
Inaalam naman ang pagkakakilanlan sa mga suspek na tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ni Det. Danilo Vidad ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa riles sa Hermosa St., Tondo.
Naglalakad umano ang biktima sa lugar habang nagti-text nang lapitan ng tatlong suspect at tinangka ng isa na agawin ang cellphone subalit nagawang agawin muli ng biktima at nagtatakbo upang umiwas.
Hinabol siya ng mga suspect at nang maabutan ay pinatulungang saksakin bago tinangay ang cellphone.
- Latest
- Trending