MANILA, Philippines - Matapos ang halos walong oras na paghahanap, bangkay na nang matagpuan ang 3-buwang gulang na sanggol na lalake matapos na mahulog sa duyan at dumiretso sa butas na sahig patungo sa sapa ng creek sa ilalim ng kanilang bahay sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Jun-jun Samson ng Brgy. Pag-asa ay natagpuan nang malamig na bangkay matapos na lumutang sa isang sapa ng Dario River na matatagpuan sa 1B Lorraine St., Kaliwa Brgy. Apolonio Samson sa lungsod, ganap na alas-7 ng umaga.
Walang nagawa ang ina ng bata na si Jenny kundi ang umiyak matapos na makumpirma na ang bangkay na natagpuan sa nasabing ilog ay ang kanyang anak.
Ayon sa ulat, bago ang insidente, pinatulog umano ni Jenny ang sanggol sa duyan sa labas ng kanilang pintuan ganap na alas -7 ng gabi.
Sinasabing dahil sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan, nakatulog si Jenny sa loob ng kanilang bahay kasabay ng kanyang anak na nasa duyan.
Makalipas ang 30 minuto, nang magising si Jenny at puntahan ang anak sa duyan para padedehen ng gatas ay nagulat na lang siya na wala na ang sanggol.
Sa pagsisiyasat ni Capili, kumalas umano ang kabilang tali na pinagkakabitan ng duyan dahilan upang malaglag ang sanggol mula dito at dumiretso sa may creek sa ilalim ng kanilang bahay kung saan ito nakatirik.