MANILA, Philippines - Naniniwala ang dalawang malaking samahan ng transport groups sa bansa na ang pagpapatupad ng Radio Frequency Identification (RFID) project ang siyang solusyon upang tuluyan ng magwakas ang talamak na kolorum na mga sasakyan sa bansa, gumanda ang kita ng mga lehitimong drayber at bumilis ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada.
Sa ginanap na nationwide consultation kamakailan, umapela kay Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III ang Pasang Masda na pinangungunahan ni Obet Martin at Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ni Efren De Luna na ayudahan ang implementasyon ng RFID.
Ayon kay Martin, lubos ang kanilang pagsuporta sa RFID sa simula pa lamang ng ipakilala ito sa publiko dahil lubos nilang naiintindihan ang kahalagahan ng RFID sa transport industry. Aniya, sa tagal niya sa sector ng transportasyon ang RFID ang kanyang nakikitang solusyon para mabura ang mga kolorum na sasakyan sa mga siyudad.
Sinabi naman ni Efren De Luna, sa kasaysayan ng transport industry marami na umanong paraan ang ginawa ng concern agencies para matigil na ang paglaganap ng kolorum at ouf of line vehicles subalit ang lahat ng mga naunang pamamaraan ay nabigo lamang.
Maraming sinubukan noong nakaraan para alisin ang salot na kolorum sa mga lansangan, pero wala umanong umubra. Umaasa sila na pakikinggan ng bagong gobyerno dahil tanging solusyon sa colorum ay ang RFID dahil malalaman kung sino ang colorum at kung sino ang legal na pampublikong sasakyan sa kalye.
Ang RFID ay isang makabagong teknolohiya gamit ang isang radio frequency upang malaman kung ang specifications ng isang sasakyan ay tumutugma sa naturang sasakyan, kaya din ng RFID na imonitor ang traffic volume sa isang lansangan.