MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kagalakan ang grupong Alagaan natin ang Inang Kalikasan (ANIKALIKASAN) na may 100 strong members na grupo ng Private Emission Testing Centers sa bansa sa naging desisyon ni Transportation and Communications secretary Jose “Ping” De Jesus na ipagpaliban ang naging kautusan ni Land Transportation Office chief Virginia Torres na ititigil na ang PETC direct connection sa LTO-IT system.
Ang naging kautusan ng DOTC ay bunsod umano ng sulat na ipinadala ng ANIKALIKASAN kay Secretary De Jesus na kung saan ipinaliwanag ng grupo sa kalihim na malaki ang magiging epekto nito sa sistema ng PETC’s operation sa mga motorista upang lubos na mapabilis ang proseso sa LTO.
Batay sa DOTC memorandum na ipinadala sa tanggapan ng LTO, inaatasan nito ang huli na pansamantalang itigil ang pagpapatupad ng Memorandum Circular No. VPT-2010-1365 o ang “ Revocation of the PETC Direct Facility.”
Gayunpaman, sa kabila ng pagpapatigil ng kalihim sa kautusan ni Torres ay magsasagawa naman ng masusing pag-aaral ang tanggapan ng DOTC ng iba pang paraan bukod sa kasalukuyang umiiral na PETC direct connection upang lubos umanong matugunan at mas maging epektibo pa ang pagpapatupad sa Clean Air Act.
Giit pa ni Rodolfo Susi, pangulo ng ANIKALIKASAN, na ang PETC Direct ay nakatutulong sa small players upang mas mabigyan ng maayos na serbisyo ang publiko.