MANILA, Philippines - Malubhang nasugatan ang isang empleyado ng isang construction company matapos itong barilin at tangayin ang payroll money na winithdraw nito sa bangko, kamakalawa ng umaga sa Pasig City.
Kinilala ang biktima na si Nilo Leal, 53, may-asawa, technician ng PECC Construction and Industrial Corporation at residente ng Makati City na nakaratay ngayon sa pagamutan sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang hita.
Dakong alas-11:50 kamakalawa ng umaga nang maganap ang insidente makaraang mag-withdraw ang biktima ng P140,000 na pampasuweldo ng kanilang kompanya.
Papabalik na ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo nang harangin ng dalawang suspek namagka-angkas din sa isang motorsiklo.
Agad umanong pinaputukan ng mga salarin si Leal na tinamaan sa kanang hita saka hinablot ang dala nitong bag na naglalaman ng pera bago mabilis na tumakas.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito.