P6 tapyas sa presyo ng LPG, ipinatupad
MANILA, Philippines - Nagtapyas ng P6 sa kada 11 kilong tangke ng liquefied petroleum gas ang mga small players na miyembro ng LPG Marketers Association, umpisa kaninang madaling-araw.
Inihayag ni Arnel Ty, tagapangulo ng LPGMA, na dakong alas-12:01 ng madaling- araw nag-umpisa ang kanilang rollback na P.50 kada kilo ng LPG.
Inaasahan na maglalaro na lamang sa P524 ang kada tangke ng LPG buhat sa P530. Paliwanag ni Ty, nagbaba ng contract price ang LPG sa internasyunal na merkado nitong nakaraang buwan na naging sanhi ng rollback.
Inaasahang magtutuluy-tuloy ang pagbaba ng presyo nito sa internasyunal na pamilihan kaya posible umano na magkaroon pa ng dalawa pang pagbaba sa halaga nito sa mga darating na linggo ngayong buwan, ayon kay Ty.
Nabatid na may 40 LPG retailers na miyembro ang LPGMA na magbababa ng presyo kabilang na ang Island Gas, Regasco Gas, Pinnacle Gas, Cat Gas, M-Gas, Omni Gas at Nation Gas.
- Latest
- Trending