MANILA, Philippines - Ipinahayag ni Manila 1st District Councilor Niño dela Cruz na sinisimulan na nilang tukuyin ang mga patrimonial property ng lungsod ng Maynila na posibleng gawing paaralan at ospital.
Ayon kay de la Cruz, chairman ng Committee on Patromonial Property, maraming patrimonial property ang Maynila na hindi nabibigyan ng pansin hanggang sa nakakamkam na lamang at idinadaan sa illegal na usapin.
Sinabi ni dela Cruz na malaki ang posibilidad na maharap sa usaping legal ang mga taong iligal na umookupa sa mga lupaing pag-aari ng pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Sa katunayan umano ay may natukoy na silang “patrimonial property” na nakapangalan sa ibang tao. Tumanggi naman si dela Cruz na ibunyag ang pangalan nito.
Giit ni dela Cruz, may ilalaan naman silang mga relocation site sa mga informal settler.
Ipinaliwanag pa ng konsehal na mas mahalagang mapakinabangan ang mga pag-aari ng city government upang mas maraming mamamayan ang makinabang.
Dagdag pa ni dela Cruz, layon ni Manila Mayor Alfredo Lim na madagdagan pa ang mga paaralan at ospital sa lungsod kung saan mas marami ang mabibigyan ng tunay na serbisyo.
Sa kasalukuyan ang bawat distrito ng Maynila ay may tig-isang ospital na nagbibigay ng serbisyong medikal sa mga mahihirap.