MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagkakabit ng libreng “bar coded stickers” sa mga legal na may prangkisang pampasaherong bus bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra sa mga kolorum na bus na bumibiyahe sa Kamaynilaan.
Layon ng pagkakabit ng mga sticker sa may EDSA sa bahagi ng White Plains, Quezon City na mahiwalay ang mga legal na bus sa mga kolorum.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, nakipagtulungan na rin sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pinasok na “memorandum of agreement” kung saan nakalahad ang mga panuntunan laban sa mga kolorum na pampasaherong sasakyan.
Inumpisahan ng MMDA at LTFRB ang pag-iimbentaryo sa bilang ng mga pampasaherong bus na bumibiyahe sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan sa Kamaynilaan.
Nabatid na imomonitor ng Land Transportation Office ang pag-i-stencil ng chasis number ng bawat bus at kung tutugma sa record ay lalagyan ng sticker.
Isasagawa ang inspeksyon at paglalagay ng sticker sa mga bus tuwing Sabado at Linggo at aabutin ng tatlong buwan o hanggang Oktubre 31.
Pagkatapos nito, ang mga bus na walang stickers na bumibiyahe ay huhulihin ng kanilang mga traffic enforcers.
Dahil dito, inaasahan ang pagluluwag ng daloy trapiko sa MM.