Rider lasog sa bus
MANILA, Philippines - Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang rider na agad niyang ikinamatay makaraang mabundol at masagasaan ng isang bus habang magkasabay na binabaybay ang kahabaan ng Commonwealth Avenue sa lungsod kamakalawa.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Joey Timbas, 41, ng Block 40, Lot 7, Harmony Homes II, San Jose del Monte Bulacan na lulan ng Honda Wave (9504PK).
Nasa kustodiya naman ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police ang driver ng Precious bus (TXK-337) nakabundol sa biktima na si Rodante Barran, 37, may-asawa ng Brgy. Grace Ville, San Jose del Monte Bulacan.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa may Commonwealth Avenue, malapit sa Pearl St., Brgy. West Triangle pasado alas-9 ng gabi.
Sinasabing magkasabay na binabaybay ng dalawa sakay ng kani-kanilang mga sasakyan ang nasabing lugar galing Litex patungong SM Fairview, nang pagsapit sa panulukan ng Pearl St., partikular sa harap ng Honda car ay nabundol ng bus ang motorsiklo ng biktima.
Sa pagkakabundol ay biglang sumadsad ang motorsiklo ng biktima sa kalsada, partikular sa harap ng bus saka muli itong nasagasaan dahilan upang magtamo ito ng labis na pinsala sa katawan.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide ang kinakaharap ngayon ng suspect.
- Latest
- Trending