MANILA, Philippines - Tuluyang dinismis sa serbisyo ng tanggapan ng Ombudsman ang isang piskal ng Maynila makaraang masukol ito sa isang entrapment operation habang tumatanggap ng pera mula sa isang litigant na may nakabinbing kaso sa kanyang opisina.
Sa 18-pahinang desisyon, dinismis ng Ombudsman si Asst. City Prosecutor Pedro Salanga ng Manila City Prosecutor’s Office.
Bukod sa pagdismis dito, tinanggal din ang kanyang eligibility at retirement benefits at hindi na maaaring tumanggap ng anumang trabaho sa gobyerno.
Ang kaso laban sa piskal ay nag-ugat sa reklamo ng isang Atty. Joel Ferrer, ang abogado na may hawak sa kaso ng isang Cherry Ann Eclarino na nakabinbin sa tanggapan ni Salanga.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Ferrer na nag-text sa kanya si Salanga na tawagan siya at nang mag-usap ang dalawa, sinabi ni Salanga sa una na kailangan ng piskal ng P5,000 kapalit ng favorable resolution para rito.
Lingid sa kaalaman ng piskal, agad pinagbigay-alam ni Ferrer ang pinag-usapan sa tanggapan ng NBI kung saan inihanda ang entrapment operation noong Marso 13, 2002 sa isang coffee shop sa Maynila. Dito na hinuli ng mga awtoridad ang piskal habang tumanggap ng pera kay Ferrer.
Ayon sa Ombudsman, may reasonable ground silang nakita para maniwalang tumanggap ng pera si Salanga mula kay Ferrer kahit pa itinatanggi ng piskal na siya ay hindi humingi ng pera mula rito.
Bukod sa nailapat na parusa ng Ombudsman kay Sa langa, nahatulan ang piskal ng mahigit isang taong pagkabilanggo at multang P4,000 bukod sa special temporary disqualification kaugnay ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices Act. Napawalang sala ang piskal sa kasong graft sa Sandiganbayan.