Lider ng 'Snake robbery gang', todas sa shootout
MANILA, Philippines – Nagtapos na rin ang paghahasik ng krimen ng “Snake robbery gang” sa Pasay City makaraang mapaslang ang lider nito at isa-isang bumagsak ang mga miyembro sa sunud-sunod na operasyon ng pulisya.
Nasawi sa loob ng Pasay City General Hospital ang lider ng sindikato na si Jennis Bravo Pagtakhan, alyas “Snake”, makaraang makipagbarilan sa mga miyembro ng Special Weapons and Tactics unit ng Pasay City Police.
Sugatan naman sa naturang insidente ang tauhan ni Pagtakhan na si Ronnie Viray, 37 at sa panig ng pulisya sugatan din si PO2 Ernesto Pagao, ng Pasay City-Station Investigation and Detective Management Section.
Sumuko naman ang dalawa pang tauhan ni Pagtakhan na sina Jerome Raymundo, 19 at Jerald Bohol, 22.
Una nang nadakip at nakaditine ngayon sa Pasay detention cell ang dalawa pang mga miyembro ng gang na sina Querine Jess Pagtakhan, alyas Ren-ren at Billy Joe Dasmariñas, alyas Billy.
Ang “Snake robbery group” ang responsable sa mga insidente ng panloloob sa mga pribadong bahay, holdap sa mga pampasaherong jeep at bus, riding in-tandem holdap, at carnapping.
- Latest
- Trending