MANILA, Philippines – Halos madurog ang bungo ng isang security guard matapos na bagsakan ang mukha nito ng isang sako na puno ng debris ng hinihinalang magnanakaw na nanloob sa mismong binabantayan niyang kompanya sa Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Gene Yape, 24, ng Block 10, Lot 10, Francisco Homes II, San Jose Del Monte Bulacan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, robbery ang tinitignan nilang motibo sa krimen dahil nawawala ang service firearm na .9mm pistola ng biktima.
Nadiskubre ang bangkay ng biktima sa may binabantayan nitong Chemsol Inc. na matatagpuan sa 5 D. Muñoz St., corner V. Subdivision Tandang Sora sa lungsod ganap na alas-6:50 ng umaga.
Nabatid pa na nababalutan ng sako na puno ng concrete debris ang biktima nang matagpuan at nang kanila itong alisin ay bumulaga sa kanila ang matinding pinsalang natamo nito sa kanyang ulo.
Patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente upang matukoy ang nasabing salarin.