Carnap king todas sa shootout
MANILA, Philippines - Natuldukan na ang iligal na gawain ng itinuturong lider ng isang sindikato ng carnapping makaraang mapatay ito ng pulisya sa isang engkuwentro kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Kinilala ni outgoing National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Roberto Rosales ang nasawi na si Ivan Padilla, ng Dapdap St., North Forbes Park, Makati City at lider ng grupong tumangay sa kotseng Volvo ng ama ng actor na si Derek Ramsey at Toyota Camry na pag-aari ni Ambassador Roberto Romulo.
Nadakip din sa operasyon ang isa pang kasamahan nito na si Mark Inducil, ng BF Homes, Parañaque City.
Ayon kay Supt. Rommel Miranda, tagapagsalita ng NCRPO, nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa pagbiyahe nina Padilla at Inducil buhat sa pagsinghot ng shabu sa Imus, Cavite.
Nakuha nila ang plaka ng Toyota Vios (ZAP-335) na gamit nina Padilla na naispatan naman ng Anti-Carnapping Unit sa pangunguna ni Supt. Maristelo Manalo sa may General Luna St., Brgy. Poblacion, Makati.
Agad umanong nagpaputok ang mga ito nang tangkaing lapitan ng mga pulis. Dito nagkaroon ng maigsing engkuwentro na nagresulta sa pagkamatay ni Padilla.
Sinabi ng pulisya na shootout umano ang naganap tanda ng mga basyong bala buhat sa kalibre .38 pistol at kalibre .22 pistol na gamit ng mga suspek na narekober sa lugar bukod pa sa isang granada. Nabatid naman na pag-aari ng isang Alejandre Adao ang Toyota Vios na tinangay sa kanya ng mga suspek sa Las Piñas City.
Naisugod pa sa Ospital ng Makati si Padilla ngunit hindi na ito umabot ng buhay habang isinasailalim ngayon sa masusing interogasyon si Inducil.
Ayon kay Rosales, inaalam nila ngayon ang koneksyon ng Ivan Padilla Group sa “Alabang Boys, Domiguez Group, Valle Verde Gang at Bundol Gang” na nag-ooperate rin sa Metro Manila. Ito’y matapos na mabatid na galing sa mga mayayamang pamilya ang mga miyembro ng nalansag na grupo tulad ng ibang nabanggit na gang maliban sa Bundol gang.
Sinabi rin nito na nakakulong rin ang mga magulang ni Padilla dahil sa kaso naman sa iligal na droga.
- Latest
- Trending