MANILA, Philippines - Inamin ng mga “transport groups” ang nagaganap na pagbibigay ng payola ng ilan nilang mga miyembrong kompanya sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at nagsabing handang makipagtulungan upang matuldukan ang nagaganap na katiwalian.
Sa pakikipagpulong ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa mga transport groups nitong nakaraang Biyernes, kapwa inamin nina Homer Mercado ng grupong South Luzon Bus Operators Association at Zeny Maranan, pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) ang pagbibigay ng kanilang mga kasapi ng payola at tong sa mga tiwaling opisyal at kawani ng ahensya upang makaiwas sa panghuhuli at “harassment”.
Handa naman umano silang makipagtulungan upang tuluyang matigil na ang umano’y pangingikil at paglalagay ng tong, kasabay ng pagtiyak na handa rin silang ibunyag ang ilang kompanya na patuloy na nagpapabiyahe ng mga kolorum na bus sa pangunahing lansangan.
Sinabi ni Maranan na matagal ng nangyayari ang nasabing tong collection at hindi na ito lingid sa kaalaman ng mga opisyal ng MMDA kaya sa pag-upo ngayon ni Tolentino ay kumpiyansa silang matitigil na ito.
Samantala, nanga ngamba naman ang mga maliliit na traffic enforcers ng MMDA na sila ang tamaan ng rigodon na ipatutupad ni Tolentino habang makakaiwas ang mga mas matataas na opisyales ng ahensya na siyang pinakanagtatamasa ng iligal na koleksyon buhat sa sektor ng transportasyon.