BF wala raw alam o 'nabukulan'
MANILA, Philippines - Walang nalalaman o posibleng “nabukulan” si dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando sa nabulgar na pagbibigay ng payola ng ilang kumpanya ng bus sa ahensya upang makaiwas na mahuli sa mga paglabag sa batas trapiko.
Sa panayam kay Fernando sa ilang mga programa sa radio, sinabi nito na wala siyang nalalaman sa buwanang payola at hindi umano niya papayagan kung nakarating sa kanyang kaalaman. Sinabi nito na noong panahon ng kanyang panunungkulan, wala siyang nakikitang dahilan para maglagay ang mga bus company dahil non-contact apprehension ang paghuli sa mga bus driver sa pamamagitan ng video camera.
Bukod dito, pinasimulan pa niya ang programa na huhulihin at kakasuhan ang mga motorista na magtatangkang manuhol sa isang traffic enforcer dahil sa paniwala na nagmumula ang suhulan sa mga driver at nae-engganyo lamang ang kanyang mga tauhan. Pinagsabihan nito ang kasalukuyang MMDA Chairman Francis Tolentino na mag-ingat sa pagbubulgar ng pangalan ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng ahensya na tumatanggap ng payola. Nararapat umano na kumalap muna ng matibay na ebidensya bago magbanggit ng pangalan. Sinabi naman ni Tolentino na isinasagawa na nila ngayon ang malalimang imbestigasyon kaya hindi pa kinikilala ang mga opisyal na sangkot bagama’t may mga natukoy na silang pangalan.
- Latest
- Trending