MANILA, Philippines - Planong dumulog ng mga bumubuo ng National Council for Commuters Protection (NCCP) kay Pangulong Noynoy Aquino upang iapela ang nakaambang pagtataas sa pasahe sa Light Rail Transit Line 1 at 2 at Metro Rail Transit 3.
Sinabi ni NCCP President Elvira Medina na bumubuo na sila ng isang liham na ipadadala sa Pangulo upang maiparating ang kanilang hinaing at pagkontra sa pagtataas ng pasahe sa dalawang train system.
Sinabi nito na ang murang pasahe sa pagsakay sa LRT at MRT na lamang ang iilan sa paraan para makatipid ang manggagawang Filipino. Idinagdag pa nito na kinakain na ng pasahe ng MRT at LRT ang 10% sa “minimum wage” ng mga ordinaryong manggagawa kada araw. Lalo lamang umanong maghihirap ang ordinaryong pamilyang Pinoy sa pagtataas ng pasahe.
Sinabi naman ni Department of Transportation and Communications Secretary Jose de Jesus na ibabalik lamang nila ang orihinal na pasahe na P30 na dapat ay ipinatupad noong 1998 nang unang maging operational ang MRT. Ibinaba lamang ito ng pamahalaan sa P15 upang makayanan ng publiko at tangkilikin ang train system kasabay ng pagbibigay ng subsidiya ng pamahalaan. Ngunit hindi na umano makayanan ngayon ng pamahalaan ang pagbibigay ng subsidiya sa MRT at LRT kung saan nalulugi ng P5-P6 bilyon kada taon dulot ng “inflation” o taunang pagbaba ng halaga ng piso.