MANILA, Philippines - Umiskor ang mga tauhan ng Anti-Carnapping Group ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kasunod ng pagkakasakote sa dalawang miyembro ng notoryus na carnapping gang na responsable sa pagtangay ng behikulo nina Ambassador Roberto Romulo sa Taguig City at ng ama ng actor/model na si Derek Ramsey Sr. sa Tagaytay City.
Kinilala ni NCRPO Chief Director Roberto Rosales ang mga nasakoteng suspect na sina Glenn del Castillo, 31; at Dale Alimagno, 22. Kapwa sugatan ang mga nadakip na suspects matapos makipagpalitan ng putok sa mga operatiba dakong alas-11:15 ng gabi nitong Huwebes sa Filinvest 2, Quezon City.
Nakatakas ang lider ng sindikato na kinilalang si Ivan Padilla, alyas Jimmy/Christopher at Kuku, 24 , na sinasabing mula sa mayamang pamilya. Ayon kay Rosales ang mga suspect ang responsable sa pagkarnap ng kulay gold na Toyota Camry (ZLN-415) ni Romulo at sa itim na Volvo (ZAX-887) ni Ramsey Sr.
Inihayag ng opisyal na ikinasa ng Anti-carnapping group ang operasyon matapos na makatanggap ng tip hinggil sa presensiya ng dalawang walang plakang Toyota Camry sa lugar. Gayunman, sisitahin pa lamang ng mga operatiba ang driver ng naturang mga behikulo ay agad na nagpaputok ang mga suspect kung saan nakatakas si Padilla habang arestado naman ang dalawa nitong kasamahan.
Nasamsam mula sa pag-iingat ng mga ito ang isang 12 gauge shotgun rifle, isang cal 9 MM pistol, habang ang narekober na mga behikulo ay isinasailalim pa sa macro-etching sa PNP-Crime Laboratory sa Camp Crame. Nakuha rin sa mga ito ang dalawang pares ng ZNL-415 na plaka ng sasakyan. Lumitaw naman sa beripikasyon ng Land Transportation Office na ang Toyota Camry ay nakarehistro kay Romulo.
Ikinanta ng mga suspect na ang kanilang lider ay si Padilla habang itinuro rin ng mga ito kung saan nila itinatago ang Volvo ni Ramsey Sr. na narekober sa follow-up operation sa parking lot ng Westmont Bldg. sa Dr. A. Santos, Parañaque.