2 'tulak' todas sa shootout
MANILA, Philippines - Napatay ang dalawang lalaking hinihinalang tulak ng iligal na droga matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng Manila Police District-Station 2, na nagsilbi ng search warrant sa kanilang lungga sa Quiricada st., Tondo, Maynila, kahapon ng hapon.
Dead-on-the-spot sina Rainier Anire alyas “Long-long”, 24-anyos at isang nakilala lamang sa alyas na “Nonong”, nasa 30-35 ang edad, kapwa residente ng nabanggit na lugar at sinasabing kaanak ni Anire.
Sa ulat nina SPO4 Virgilio Martinez at PO3 Jonathan Bautista, dakong 2:45 ng hapon nang maganap ang insidente sa mismong tahanan ng mga nasawi.
Sa pahayag ni MPD-Station 2 chief, P/Supt. Ernesto Tendero, 2:45 ng hapon nang isilbi nila ang search warrants sa tatlong palapag na bahay ng mga biktima, kung saan subject umano ng operasyon ang bahay ni Anire, na una nang nakuhanan ng surveillance camera dahil sa pagbebenta umano ng iligal na droga partikular ang shabu.
Habang papaakyat ng hagdan sina Tendero at C/Insp. Arnulfo Ibanez, natunugan nila ang papatakas na mga suspect dahil sa kalabog ng bubong kaya’t agad namang inilatag ang dalawang ladder na mahaba sa magkabilang gilid ng nasabing bahay.
Papaakyat sa ladder ang iba pang operatiba nang magpaputok ang dalawang biktima ng kanilang tig-isang kalibre .38 baril na paltik, kaya’t pinutukan sila ng mga pulis.
Bumulagta sa rooftop si Nonong, na labas pa ang bituka dahil sa tama sa tagiliran habang humandusay naman sa bubong na yero ng katabing bahay ang pakay na ‘tulak’ umano na si Long-long.
Sinabi ni Tendero, nagdala din sila ng acetylene upang mabuksan lamang ang makakapal na gate na yari sa bakal sa bahay ng mga suspek.
Narekober ng Homicide investigators ang 2 paltik na baril, 2 digital weighing scale, mga lighter, 20 small sachet ng shabu, na di pa batid ang timbang at live ammunitions.
- Latest
- Trending