MANILA, Philippines - Pinangalanan kahapon ng bagong upong chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Francis Tolentino ang tatlong bus companies na kabilang sa mga nagbibigay ng buwanang payola sa ilang tiwaling opisyal sa ahensiya upang makaligtas sa pananagutan sa mga paglabag sa mga batas-trapiko sa Metro Manila.
Kabilang sa mga pinangalanan ni Tolentino ang provincial bus na Baliwag Transit at Saint Rose Bus Lines na may biyaheng Malinta-Alabang na nagbibigay ng P20,000 kada buwan at Five Star Lines na nagbibigay naman umano ng P30,000 kada buwan sa ilang tiwaling opisyal ng MMDA.
Sinabi ni Tolentino na sampol pa lang ang tatlong nabanggit niyang bus company at marami pang iba na sisikapin niyang mailabas ang mga pangalan sa susunod na dalawang linggo.
Nakatakda ring makipagpulong si Tolentino sa mga operators ng bus company kung saan inihahanda na niya ang mga dokumento para magbigay ng “commitment” ang mga ito na kanilang pipirmahan kung saan nakasaad na hindi sila magbibigay ng payola at sa panig naman ng mga traffic officials at traffic enforcers ay hindi tatanggap ng payola.
May pangalan na rin umano siya ng mga opisyales at kawani ng MMDA na matagal nang tumatanggap ng payola ngunit tumanggi muna siyang banggitin hanggang nangangalap pa siya ng dagdag na ebidensya laban sa mga ito na magagamit sa pagsasampa ng kasong administratibo at kriminal.
Grupo-grupo umano ito sa MMDA na nakikinabang sa mga payola at tong na kanyang sisibakin sa trabaho sa oras na mapatunayan ang pagkakasala. Wala umano siyang intensyon na manghiya ngunit nais lamang na matigil ang matagal nang sistema at mabalik ang tiwala ng publiko.