MANILA, Philippines - Nalansag na ng mga operatiba ng Anti-Carnapping Group ng Quezon City Police ang kilabot na grupo ng carnap/carjacking syndicate na nag-ooperate sa Metro Manila matapos na masakote ang siyam na miyembro nito sa magkakahiwalay na operasyon sa lungsod at Caloocan City, iniulat kahapon.
Kinilala ni QCPD director Chief Supt. Benjardi Mantele, ang mga suspect na sina Ricardo Ocampo at live-in partner nitong si Rowena Silverio, Jhon Oliver Darlucio, Jeffrey Ramirez, Angelito Bernardino; Cesar Catulig, Ruel Manquilas, Rodolfo Cruz, at Allan Taghoy; mga miyembro ng carnapping/carjacking group na pinamumunuan ng isang Glen dela Cruz.
Ayon sa ulat, ang walang humpay na operation ay ginawa ng tropa ng Anti-carnapping unit ng QCPD sa pamumuno ni Chief Insp. Rodel Manalo matapos na makatanggap ng impormasyon ang tropa na may ibinibentang mga iligal na chassis ng sasakyan sa isang junkshop sa lungsod.
Agad na nagsagawa ng pagmamanman ng tropa sa palibot ng Quezon City kung saan naispatan ng mga ito ang isang truck na sakay ang ilang piraso ng chassis na nakatakdang ibenta sa isang junkshop.
Mula dito ay sinundan ng tropa ang truck hanggang sa matuklasan ang isang compound sa may Block 1, lot 11, Sikatuna Subdivision, Doña Faustina, Brgy. San Bartolome sa lungsod na katayan ng mga ninakaw na sasakyan.
Dito ay naaresto ang mga suspect na sina Ocampo, Silverio, Darlucio, Ramirez, at Bernardino habang kinakarne ang isang truck. Nakumpiska din kay Ocampo ang isang U.S Carbine rifle na puno ng bala.
Sa interogasyon sa mga suspect ay nabatid ng mga operatiba na may isa pang compound sa may Caloocan City ang nag-ooperate din ng chop-chop na mga sasakyan dahilan upang muling magsagawa ng operation ang mga ito at sina lakay ang Block 1, Lot 24, Daranay Avenue, Brgy. Bagumbong kung saan nadakip sina Catulig, Manquilas, Cruz, at Taghoy, na nagtangka pang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad. Habang nakatakas naman ang lider nilang si Erick Francisco.
Narekober ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon ang iba’t ibang uri ng mga kinatay na sasakyan at mga plate numbers nito.