2 pulis kakasuhan dahil sa suka

MANILA, Philippines - Nasa balag ng alanganin ang dalawang pulis-Maynila makaraang tangayin umano ang isang kahon ng suka mula sa isang account executive ng Ginebra San Miguel, habang nagde-deliver ng produkto, sa  Sta. Ana,  Maynila, kamakailan.

Ito’y matapos ipag-utos ka­hapon ni Manila Police District, director, C/Supt. Rodolfo Mag­tibay ang pagsasampa ng mga kasong Theft at paglabag sa Re­public Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban kina PO1  Edwin Tan at PO2 Ariel Cagata, kapwa naka­talaga sa MPD-District Mobile Patrol Unit (DMPU) kaugnay sa pag­kuha ng isang kahon ng Su­premo Vinegar na nagkaka­halaga ng P347.02 

Nag-ugat ang kaso nang  ireklamo ang dalawang pulis ng isang Joem Ian Moralde, 23, ac­count executive ng Ginebra San Miguel sa MPD-General Assign­ment Section (MPD-GAS).

Sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi noong nakalipas na linggo, sa panulukan ng Leon Guinto at San Andres, Malate, Maynila.

Sinabi ni Moralde na sakay siya ng Toyota Hilux (WNM-151),  na pansamantalang na­ka­himpil sa erya upang mag­deliber sa isang tindahan nang madaanan ng mobile patrol car (SJA-168) at hinintuan siya.

Sinabihan umano siya ng da­lawang pulis na kung ma­aaring makahingi ng free goodies na sinagot niyang mga bote ng suka lamang at walang pasobra.

Maya-maya ay nakita niya na lamang na karga na ni PO1 Tan ang isang kahon ng suka mula sa kaniyang delivery vehicle at inilalagay umano sa compartment ng mobile car at lumisan.

Itinanggi naman umano ng dalawang suspect na kinuha nila ang kahon, bagkus ay inalok umano ito sa kanila ng biktima matapos makagawa ng paglabag umano sa batas-trapiko.

Show comments