2 pulis kakasuhan dahil sa suka
MANILA, Philippines - Nasa balag ng alanganin ang dalawang pulis-Maynila makaraang tangayin umano ang isang kahon ng suka mula sa isang account executive ng Ginebra San Miguel, habang nagde-deliver ng produkto, sa Sta. Ana, Maynila, kamakailan.
Ito’y matapos ipag-utos kahapon ni Manila Police District, director, C/Supt. Rodolfo Magtibay ang pagsasampa ng mga kasong Theft at paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban kina PO1 Edwin Tan at PO2 Ariel Cagata, kapwa nakatalaga sa MPD-District Mobile Patrol Unit (DMPU) kaugnay sa pagkuha ng isang kahon ng Supremo Vinegar na nagkakahalaga ng P347.02
Nag-ugat ang kaso nang ireklamo ang dalawang pulis ng isang Joem Ian Moralde, 23, account executive ng Ginebra San Miguel sa MPD-General Assignment Section (MPD-GAS).
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi noong nakalipas na linggo, sa panulukan ng Leon Guinto at San Andres, Malate, Maynila.
Sinabi ni Moralde na sakay siya ng Toyota Hilux (WNM-151), na pansamantalang nakahimpil sa erya upang magdeliber sa isang tindahan nang madaanan ng mobile patrol car (SJA-168) at hinintuan siya.
Sinabihan umano siya ng dalawang pulis na kung maaaring makahingi ng free goodies na sinagot niyang mga bote ng suka lamang at walang pasobra.
Maya-maya ay nakita niya na lamang na karga na ni PO1 Tan ang isang kahon ng suka mula sa kaniyang delivery vehicle at inilalagay umano sa compartment ng mobile car at lumisan.
Itinanggi naman umano ng dalawang suspect na kinuha nila ang kahon, bagkus ay inalok umano ito sa kanila ng biktima matapos makagawa ng paglabag umano sa batas-trapiko.
- Latest
- Trending