MANILA, Philippines - Muling naghain ng “not guilty plea” ang pangunahing akusado sa Maguindanao masaker na si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at 16 pang katao sa isa pang kaso ng murder na isinampa ng mga kaanak ng ika-57 nakilalang biktima ng krimen noong Nobyembre 23, 2009.
Binasahan ng sakdal si Andal Jr. sa sala ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Jocelyn Solis-Reyes na ginawa sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City base sa panibagong murder na isinampa ni Catherine Nunez, misis ng UNTV anchor na si Victor Nunez na pinakahuling nakilala sa mga bangkay at ika-57 sa mga biktima.
Kasama rin sa binasahan ng demanda sina Inspector Sukarno Dicay, Police Officer 3, Rasid Anton, Takpan Dilon, Esmael Canapia, PO2 Hernanie Decipulo Jr., PO2 Saudiar Ulah, PO2 Saudi Pasutan, PO1 Herich Amaba, PO1 Esprielito Lejarso, PO1 Rainer Ebus, Inspectors Rex Ariel Diongon, Michael Joy Macaraeg, PO1 Pia Kamidon, Muhamad Sangki, Maot Dumla, at Thong Guimano na pawang naghain din ng not guilty plea.
Hindi naman natuloy ang pagbasa ng demanda sa dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sina Supt. Abdulwahid Pedtucasan at Chief Insp.Abdulgapor Abad at dalawa pa nilang tauhan na sina PO1 Michael Macarongon at PO1 Mohammad Balading bunga ng inihaing mosyon na humihiling na mabimbin muna ang arraignment sa kanila dahil sa hindi pa sila nakikipag-usap sa kanilang mga abogado.
Hindi rin naman pinagbigyan ng korte ang mosyon ng kampo ni Andal Jr. na makapaghain ng piyansa na ibinasura ni Solis. Nabatid na naghain rin kamakalawa ng ika-anim na “motion to inhibit” ang mga abogado nito upang pilitin si Judge Solis na bumitiw sa paghawak sa kaso. (Danilo Garcia at Angie dela Cruz)