MANILA, Philippines - Hinatulan ng dalawang habambuhay ng Manila Regional Trial Court ang isang Taiwanese na napatunayang nag-iingat ng tatlong kilo ng shabu noong 2007 habang pinawalang-sala naman ang dalawang Pinoy na kasamahan nito.
Sa 17-pahinang desisyon ni Judge Alejandro G. Bihasa ng Manila RTC Branch 2, nilinaw na hindi maaaring ipatapon pauwi sa kanyang bansa ang akusadong si Hsieh Tien Chang o Chen Chieng Chang o Joseph Sia hanggang hindi napagdurusahan ang parusang iginawad sa kanya ng husgado.
Sa rekord ng korte, dakong alas-8 ng gabi ng Marso 13, 2007, sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang unit ng akusado sa China Plaza condominium sa Ongpin at Tambacan St., Sta. Cruz, Maynila dahil sa report ng illegal drugs.
Sa naturang pagsalakay, nakarekober ang PDEA nang mahigit sa tatlong kilo ng shabu sa kusina at sa master’s bedroom ng akusado bukod pa sa mga gamit sa pagbebenta at paggamit ng shabu.
Maliban sa double life sentence, ang dayuhan ay pinagmulta rin ng P1,000,000 sa kanyang pagkakasala.
Samantala, inabsuwelto sa kaso ang magtiyuhing Cesar at Eusebio Valenzuela na dinakip ng PDEA nang salakayin ang condo ng Chinese.
Sa pagpapawalang sala sa magtiyuhin na transient umano sa condo ni Hsieh Tien Chang, sinabi ng husgado na bigo ang prosekusyon na patunayan na dawit ang dalawang Pinoy.