MANILA, Philippines - Patay ang ex-convict at pangunahing suspect sa panghoholdap at pagpatay sa medical student ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) habang nadakip naman ang dalawa pa kabilang ang isang high school student sa isinagawang operasyon ng pinagsama-samang puwersa ng Manila Police District (MPD) kamakalawa ng hapon.
Sa press conference na ginanap kahapon, sinabi ni Manila Mayor Alfredo Lim na napatay ni PO1 Rommel Fajardo ng MPD-Station 1 ang suspect na si Kenneth Capili, 21, na nang-agaw ng baril habang patungo sa Ospital ng Maynila upang ipa-check-up. Nagtamo ito ng tama ng bala sa katawan.
Ayon kay Lim ang dalawa pang suspect na sina Justin Bautista, 21, HRM student sa Lyceum of the Philippines at naninirahan sa Tondo, Maynila at Jojo, 16, 4th year high school student na residente rin sa Tondo, Maynila ay naaresto naman sa follow-up operation ng District Special Project Unit (DSPU) sa pangunguna ni Chief Insp. Nicolas Pinon at Alvarez PCP chief, Sr. Insp. John Guiagi.
Narekober mula sa mga suspect ang cellphone at personal na gamit ng biktimang si Roxanne Musngi na tinangay ng mga suspect noong Hulyo 24, dakong alas-3:15 ng madaling-araw sa Del Fierro St.,Tondo, Maynila.
Gayundin ang kulay itim na Honda XRM 125 motorsiklo na may plate number 8770 NN na ginamit sa panghoholdap sa biktima na pag-aari ni Jojo. Unang naaresto ng mga tauhan ni Pinon ang nasawing si Capili sa may Moriones,Tondo kung saan ikinanta nito ang kanyang mga kasamang sina Bautista at Jojo. Hindi alam ng suspect na si Bautista at Jojo na naaresto na si Capili, kaya nang tawagan sila para magkita sa Tayuman, doon na naaresto ng mga awtoridad ang dalawa.