MANILA, Philippines - Pinapurihan ni Manila Mayor Alfredo Lim si boxing champ Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa muli nitong pagdadala ng karangalan sa bansa matapos na matagumpay nitong idepensa ang kanyang titulo bilang World Boxing Association super flyweight champion.
Dakong alas-7:30 ng umaga kahapon nang dumating si Donaire, ang adopted son ng Maynila kasama ang kanyang misis na si Rachel at promoter na si Wilson Tieng ng Solar Films. Bukod kay Lim, sinalubong din si Donaire nina chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman, legal officer Renato dela Cruz at executive assistant Gemma Araneta.
Lubos naman ang kaligayahang naramdaman ni Donaire sa ipinakitang suporta at pagmamahal ng mga Manilenyo sa kanya kung saan sinabi nito na patuloy ang kanyang gagawing pagdadala ng karangalan sa bansa.
Tinalo ni Donaire ang Mexican na si Hernan ‘Little Tyson’ Marquez sa ika-walong round sa kanilang sagupaan sa ‘The Challenge’ noong Hulyo 10.
Samantala, wala namang balak si Donaire na pumasok sa pulitika tulad ni People’s champ Manny Pacquiao na ngayon ay Congressman ng Saranggani Province.
Bukas naman si Donaire sa posibleng sagupaan nila ni Mexican boxer, Fernanto ‘Conchulito’ Montiel, na ayon sa una ay nais niyang makalaban. Si Montiel ay World Boxing Council (WBC) at World Boxing Organization (WBO) bantamweight division.