MANILA, Philippines - Balik kulungan ang isang 20-anyos na lalaki na umano’y tumakas sa piitan sa lungsod Quezon matapos na maaresto dahil sa pagdadala ng baril sa nabanggit ding lugar kamakalawa.
Ang suspect na nasa kustodiya na muli ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD) ay kinilalang si Ronald Canibel, ng Area 4-C Nawasa Line, Brgy. Holy Spirit ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng PS-6 dakong alas-8:15 ng gabi nang maaresto ng mga opisyal ng Barangay Holy Spirit si Canibel dahil sa pagdadala nito ng improvise na baril o sumpak, habang pagala-gala sa nasabing lugar.
Agad na dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ang suspect kung saan napag-alaman na si Canibel ay pinaghahanap matapos makatakas sa selda ng PS-6 noong nakalipas na Mayo 11 ng madaling-araw habang ang mga pulis ay abala sa naganap na national election.
Ayon kay PS-6 Commander, Supt. Marcelino Pedrozo, nilagari umano ng suspect ang dalawang bakal sa bintana ng CR ng mga babae sa pamamagitan ng string ng gitara habang ang mga pulis ay abala sa kasagsagan ng bilangan ng resulta sa election.
Nabatid na kasong PD 1866 o paglabag sa omnibus election code ang kinakaharap ng suspect nang siya ay makatakas sa nasabing himpilan.