Ex-RP envoy, trader biktima ng carjack
MANILA, Philippines - Muling nalusutan ng mga armadong carjackers ang seguridad ng pulisya makaraang magkasunod na tangayin ang mga sasakyan na pag-aari nina Ambassador Roberto Romulo at ng isang negosyanteng Hapones, kamakalawa ng hapon sa Taguig City.
Sa ulat ng Taguig City police, tinangay ng mga salarin ang Toyota Camry (ZNL-415) na pag-aari ni Ambassador at dating Foreign Affairs Secretary Roberto Romulo at Toyota Innova (ZCE-378) na pag-aari naman ng Hapones na si Koji Hasegawa.
Si Romulo ay naging kalihim ni dating Pangulong Fidel Ramos.
Batay sa imbestigasyon, kapwa nagmemeryenda ang driver ni Romulo na si Danilo Quilong at driver ni Hasegawa na si Nomer de Vera sa Merit Road sa may Fort Bonifacio malapit sa Department of Energy compound dakong alas-2 ng hapon nang pumarada sa kanilang harapan ang isang Honda CRV na walang plaka at naglabasan ang mga armadong salarin.
Unang bumaba ang dalawa sa mga suspect na nakasuot ng maskara at armado ng mahahabang baril kung saan agad na tinutukan ang dalawang driver.
Sapilitang kinuha ng mga ito ang susi ng kanilang mga minamanehong sasakyan na pinalagan naman nina Quilong at De Vera ngunit sumunod din makaraang magpaputok ng baril sa ere ang mga carjacker.
Sumakay ang dalawang nakamaskarang carjacker sa Camry at Innova na pinaharurot patungo sa direksyon ng C-5 Road sa Makati City kabuntot ang Honda CRV na kinalululanan ng iba pang miyembro ng sindikato.
Ayon kay Chief Insp. Reyante Ibon, hepe ng Anti-Carnapping Section ng Taguig Police, inatasan umano ni Ambassador Romulo ang kanyang driver na magtungo sa Highway Patrol Group (HPG) sa Camp Crame upang doon maghain ng pormal na reklamo.
- Latest
- Trending