MANILA, Philippines - Malagim na wakas ang kinasapitan ng isang mag-live-in na matanda makaraang matagpuan ang kanilang mga bangkay na basag ang mga bungo at naliligo sa sariling dugo, kamakalawa ng hapon sa Muntinlupa City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Leonora Narag, 65, at Domingo Galapate, 62, kapwa ng Block 40 Lot 5 Phase 1 South Ville III, NHA Housing, Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Nadakip naman ng pulisya ang suspek na si Leonardo Narag, 33, anak ng biktimang si Narag. Inamin nito na siya ang pumaslang sa ama-amahan na si Galapate na siya naman umanong pumaslang sa kanyang ina.
Sa ulat ng Muntinlupa police, naganap ang krimen pasado alas-5 ng hapon sa loob ng bahay ng mga biktima.
Ayon sa suspek, umuwi ng lasing sa bahay si Galapate kung saan nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng kinakasama nitong si Narag.
Dito umano dumampot ng kahoy si Galapate at sunud-sunod na pinagpapalo ang matandang babae hanggang sa duguan itong malugmok.
Tinangka umano niyang awatin ang amain ngunit hindi ito nagpaawat kaya napilitan siyang agawin ang kahoy at ito naman ang kanyang pinagpapalo upang iganti ang ina.
Nagtungo naman si Narag sa bahay ng kanyang hipag na si Jerma at ikinuwento ang naganap na trahedya sa kanilang pamilya.
Sa kabila ng pahayag ng suspect, iniutos pa rin ni Muntinlupa police chief, Supt. Romulo Sapitula sa mga imbestigador na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat makaraang matuklasan na dating naging pasyente ng National Institute for Mental Health ang suspect na si Narag.