Sekyu sa Sta. Ana Hospital timbog sa pamamaril
MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang tauhan ng City Security Force (CSF) ng Manila City Hall na nakatalaga sa Sta. Ana Hospital nang mabaril at mapatay nito ang isang lalaki na nagpupumilit pumasok sa ospital dahil sa paghabol sa bantay ng pasyente na nambato ng mga bahay sa Sta. Ana, Maynila kahapon ng madaling-araw.
Nakapiit ngayon si Renato Ramos, ng Tindalo St. Tondo matapos na mabaril at mapatay si Carlo Escora, 27, ng New Panaderos St. Sta. Ana, Maynila sa balikat at tumagos sa bibdib ang bala.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng emergency room ng nasabing ospital na matatagpuan sa 8004 New Panaderos St., Bgy. 890 Zone 98.
Nabatid na isang bantay ng pasyente sa ospital ang nagpa-alam kay Ramos at sa isa pang sekyu na si Danilo Rivera, na lalabas muna upang bumili ng pagkain.
Hindi pa umano nagtatagal ay humahangos pabalik ang nagpaalam na bantay papasok sa entrance ng ER habang hinahabol ng taumbayan.
Walang nagawa si Ramos kundi harangin ang mga humahabol na kinabibilangan ni Escora at hinayaang makapasok sa ospital ang nasabing bantay at isinara ang entrance door ng ER.
Nagalit umano ang mga taong humahabol at galit na nagpumilit na makapasok upang kuyugin umano ang bantay dahil nambato umano ito sa kanilang mga bahay sa New Panaderos St.
Habang nagpapaliwanag si Ramos ay may bumato sa mukha nito mula sa grupo ni Escora. Dahil dito, napikon at nagalit si Ramos hanggang sa bunutin nito ang kanyang service firearm at pinaputukan si Escora.
- Latest
- Trending