MANILA, Philippines - Malamang na magbalik na naman ng katakut-takot na” refund” ang Manila Electric Company (Meralco) sa mga consumer nito sa sandaling paboran muli ng Supreme Court, ang nakatakdang petisyon na isasampa ng isang Non Government Organization (NGOs) na nagbabantay sa mga regulatory industry.
Sa pulong Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Jun Simon, spokesman ng Nagkakaisang Alyansa ng Mamamayang Pilipino (NAMP) ang Automatic Generation Rate Adjustment (AGRA) na kukuwestiyunin nila sa SC ang ipinatutupad ng Meralco kapag nagkakaroon din ng adjustment sa presyo ng krudo o dolyar.
Sinabi ni Simon na bagama’t nakatali sa EPIRA law ang pagkolekta ng AGRA, ito umano ay “Unconstitutional”, sanhi ng hindi pagdaan sa public hearing.
Nabatid na naging depensa ng Meralco ang kanilang pagkalugi sa sandaling magkaroon ng adjustment sa presyo ng dolyar o krudo, kaya sila pinagkalooban ng Kongreso ng AGRA.
Iginiit ni Simon na sa sandaling paboran ng SC ang kanilang petisyon, maglalabas ng daang bilyon ang Meralco para sa refund sa mga consumer nila.
Samantala, ibinulgar din ni Simon na nadiskubre umano ang pakikipagsabwatan ng National Power Corporation (Napocor) sa Iligan Electric Power Company para sa pagkuha ng nakaw ng kuryente ng kumpanya sa Napocor.
Ibinulgar umano ng isang Jojo Borja, ng IEPC, ang nadiskubreng paggamit ng jumper ng kumpanya sa pagkuha ng kuryente sa Napocor, kung saan sanhi para malugi ng malaki ang gobyerno.