Karnaper dedo sa pulis

MANILA, Philippines - Patay ang isang 24-anyos na lalaki na nang-agaw ng mo­tor­siklo makaraang maaktuhan ng pulis Malabon at mabaril habang papatakas kamaka­lawa ng gabi, sa Sampaloc, Maynila. 

Dead-on-arrival sa Ospital  ng Sampaloc ang hinihinalang karnaper na si Randy Faller Olivo, ng Block 5 , Lot 11, Model Community, Quezon St., Tondo, Manila.

Ligtas naman sa panganib ang nadamay na batang si Ma.Luisa Sebastian, 6, ng no. 615 Geronimo St., Sampaloc matapos na makaladkad ng suspect.

Sa imbestigasyon ni Det. Rommel del Rosario, dakong alas-11:00 ng gabi nang maga­ap ang insidente sa Geronimo St. nang biglang harangin ng suspect ang motorsiklo nina Aldwin Pedrales at Desiree Macugay na may plakang 8710-TQ sa tapat ng Gero­nimo Ele­mentary School at tutukan ng .9 mm. na baril at pinababa.

Namataan ni PO1 Sherwin Casauran ng Malabon Police   ang pangyayari kung kaya’t bumaba ito at sinita ang suspect. Subalit hindi pa man na­kakalapit si Casauran ay pina­putukan na ito ng suspect at mabilis na tumakas.

Mabilis namang nakahabol si Casauran at nabaril sa likod si Olivo, na naging dahilan upang sumad­sad ang mina­manehong motor­siklo. Nagka­taong naglalaro umano sa bangketa ang batang si Se­bastian na nakaladkad ng motorsiklo.

Isinugod ang dalawa sa kalapit na pagamutan subalit ’di na umabot ng buhay si Olivo habang ang bata ay nag­tamo lamang ng mga gasgas sa kata­wan at mukha.

Show comments