MANILA, Philippines - Malagim na kamatayan ang naghatid sa bahay sa isang 20-anyos na medical student mula sa isang group study nang apat na beses tarakan ng patalim ng tatlong lalaking holdaper na magkaka-angkas sa isang motor siklo makaraang tumangging ibigay nito ang kanyang bag na naglalaman ng laptop, cellphone at iba pang kagamitan, habang papauwi sa kanyang bahay, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center ang biktimang si Mary Roxan Musngi, 1st year sa PLM at residente ng #253 V. del Fierro St., Gagalangin, Tondo, Maynila
Sa ulat ni PO3 Jaime Gonzales Jr., ng MPD-Homicide, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa may panulukan ng General Lukban at Juan Luna Sts., sa Tondo, Maynila.
Mag-isa umanong naglalakad papauwi galing sa group study ang biktima nang lapitan ng motorsiklo na may sakay na tatlong lalaki.
Dalawa sa mga suspect ang bumaba at nagdeklara ng holdap na pilit na inaagaw ang mga bitbit na backpack ng biktima subalit nakipag-agawan ito sa mga suspect kaya’t inundayan siya ng mga saksak sa kaliwa’t-kanang bahagi ng dibdib at tiyan bago tinangay ang gamit niya.
Nabatid na naglalaman ng hindi nabatid na halaga ng pera, cellphone, medical books at laptop ang bag ng biktima.
Tumakas sa direksiyon ng Juan Luna papuntang Pritil market sa Tondo, Maynila ang mga suspect.
Nasaksihan umano ng isang Lester Gonzales,17, 1st year college student sa Fatima College at Elton Jay Genove,16, STI student ang ginawa ng mga suspect na tinangka nilang habulin subalit mabilis na napaharurot ang motorsiklo.
Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya para sa madaling ikadarakip ng mga suspect.