MANILA, Philippines - Isang kagawad ng Manila Police at isang sibilyan ang inaresto ng tropa ng Quezon City police matapos na ireklamo ng hulidap ng isang lalake sa lungsod kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ng La Loma Police Station 1 ng QCPD, nakilala ang mga dinakip na sina PO1 Dennis Posadas Jr. nakatalaga sa MPD; at ang sibilyang si Richard Buenviaje.
Habang tinutugis naman ang isa pang pulis na si PO2 Edward Salamat na naka-destino sa Camp Bagong Diwa Taguig na mabilis na nakatakas.
Ang dalawa ay inaresto sa follow-up operation ng PS1 matapos na magreklamo ang bikimang si Michael Pasion, 32.
Sa ulat ng Police Station 1, nag-ugat ang reklamo nang umano’y hulihin ang biktima ng mga suspect sa bintang na droga habang nakatayo sa harap ng kanyang bahay Brgy. Salvacion, QC ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.
Ayon sa biktima, pilit umano siyang isinakay ng mga suspect sa motorsiklo saka inikut-ikot sa iba’t ibang lugar, bago dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center para daw ipa-medical.
Mula dito ay sinabihan umano ang biktima ng suspect na tumawag sa kanyang pamilya para magdala ng pera kung magkano ang kaya nito, bago kinuha ang dala niyang pera na P3,000
Dahil sa pangyayari, nakatawag naman ng saklolo ang biktima sa kanyang mga kaanak na agad namang humingi ng tulong sa PS1. Sa follow-up operation sa pamumuno ni Insp. Emmanuel Gomez, ay natunton ang dalawang suspect sa may Jose Reyes Memorial Medical Center sa Maynila at dinakip.