Nagkabit ng 'jumper', nakuryente, patay

MANILA, Philippines – Isang 40-anyos na lalaki ang namatay ma­tapos makuryente at mahulog mula sa poste ng Meralco na pinani­niwa­laang  nagkakabit ng kuryente o illegal con­nection sa Tondo, May­nila kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Manuel Cajayon, ng Mabuhay St., Tondo sanhi ng pagkakakur­yente  na umabot sa 3rd degree ang sunog sa ka­tawan at pagkakabagok ng ulo makaraang ma­hulog.

Dakong alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Bouganvilla at Ma­buhay Sts., Tondo.

Sa pahayag umano nina Nene Bayubas, 17; at Jericho Emnaldo, 17, kapwa residente sa lugar, nagkukuwentuhan sila nang nakarinig sila ng kalabog kasunod ng pagdidilim bunga ng nawalang electric power.

Nang alamin, nakita nila ang biktima na nasa sementadong kalsada na nakahandusay, sa gilid ng poste ng kuryente.

Ayon sa imbestigador, maaring nagkakabit ng iligal na kuryente ang biktima subalit nakur­yente at nahulog sa bu­bungan bago lumagapak sa ibaba.

Sumabog din umano ang kuryente kaya na­walan ng ilaw sa lugar.

Show comments