MANILA, Philippines – Dahil sa hindi makapagpasya kung sino sa dalawang nobya ang pipiliin kaya’t minabuti na lamang ng isang 24-anyos na janitor na magpakamatay sa loob ng pinapasukang Catholic school, sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng hapon.
Natagpuang bangkay na ang biktimamg si Manolito Gedorio Jr., ng Dominican School, na matatagpuan sa P. Margal at Gov. Forbes Sts.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:20 ng hapon nang madiskubre ang biktima na nakabigti sa sports equipment room ng elementary building ng nasabing eskwelahan.
Sa pahayag ng kasamahan sa trabaho na si Ismael Verano dakong 7:00 ng umaga nang makita niyang naglalakad ang biktima sa harapan ng administration building at tila balisa.
Nakarating umano sa kaalaman ng school administration ang pakikipag-relasyon ng biktima sa dalawang babae, kaya mabigat ang problema nito lalo na nang kausapin umano siya ng isang madre na opisyal ng paaralan at sinabihan na dapat niyang pakasalan ang babaeng nabuntis umano nito at kung hindi ay sisibakin siya sa trabaho.
Bukod sa nabuntis, may isa pa umanong nobya na kalive-in ang biktima. May tatlong taon na umanong naninilbihan bilang janitor sa Dominican ang biktima.
Samantala, dahil sa matinding tampo matapos sermunan ng kanyang ama, isang 18-anyos na dalaga naman ang nagpatiwakal kahapon ng tanghali sa Caloocan City.
Patay na nang matagpuan ang biktimang si Mary Ann Clarish Talo, nakatira sa Jasmin st., Deparo ng lungsod na ito.
Sa report ng Caloocan City Police, nabatid na alas-12:15 ng tanghali nang makitang nakabigti ng kumot ang biktima sa loob ng kanilang bahay ng kaibigang si Jonalyn Panagsagan. Nabatid na bago ang insidente ay nasermonan ang biktima ng kanyang ama dahil sa late na pag-uwi ng dalaga sa kanilang bahay. (Ludy Bermudo at Lordeth Bonilla)