MANILA, Philippines – Tuluyang inilikas ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Makati Health Office ang nasa 60 pamilya na naninirahan sa West Tower Condominium sa naturang lungsod bunsod ng malaking panganib na nakaamba sa kanilang buhay dahil sa nadiskubreng gas leak sa basement ng gusali.
Nagkusa naman na lumikas na rin ang mga residente na nakatira sa paligid ng gusali na nasa Osmeña Highway, Brgy. Bangkal dahil sa nakakasulasok na amoy dulot ng tumatagas na kulay dilaw na likido.
Galit na itinuturo ng mga residente ng condo building na posibleng nanggaling ang leak sa Batangas-Pandacan pipeline na pinamamahalaan ng First Philippine Industrial Corporation.
May 10 araw na nang unang madiskubre ng mga residente ang una’y manaka-nakang pagtagas ng likido hanggang sa tuluyang lumakas na ito nitong nakaraang Miyerkules.
Hiniling ng mga ito sa FPIC na pansamantalang i-shutdown ang kanilang operasyon upang mapi gilan ang pagtagas habang kailangang mahukay na agad ang pipeline at matukoy kung saan nanggagaling ang tagas.
Personal na nag-inspeksyon naman sa lugar si Makati Mayor Junjun Binay kung saan ipinag-utos nito ang ibayo pang pagpapabilis sa imbestigasyon upang matukoy kung saan nagmumula ang tagas.
Nagpamahagi na rin ng gas mask ang Makati City Hall sa mga apektadong residente habang kinordon na ang basement ng gusali na idineklarang hot zone.
Ayon sa BFP-Makati fire marshall, Supt. Samuel Tadeo, “highly combustible” ang tumatagas na likido at maaaring sumabog o magkaroon ng malakihang sunog kung may maninigarilyo o magsisindi ng apoy sa ikaapat at ikalawang palapag ng basement ng gusali.
Sa kabila nito, sinabi naman ni FPIC Pipeline Right of Way division head, Engr. Efren Impresso na hindi sa kanilang pipeline nanggagaling ang tagas makaraang mahukay nila ang tubo sa harapan ng gusali at makitang wala kahit anong tagas ito.