MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni NBI-Internal Affairs Division chief, Atty. Oscar Embido na maghahain ngayong araw ng kaniyang salaysay si dating NBI Director Nestor Mantaring kaugnay sa imbestigasyon sa isyu ng P10-milyon bribe sa key witness ng Nov. 23, 2009 massacre.
Ayon kay Embido, humingi ng ekstensiyon ng paghahain ng affidavit si Mantaring ng hanggang Hulyo 22, para sa paglilinaw sa isyu ng tangkang panunuhol ng emisaryong si Ret. Colonel Antonio Mariano ng Philippine Air Force (PAF) sa testigong si Kenny Dalandag para umurong ito.
Nilinaw na rin ni Embido na hindi naman respondent si Mantaring sa bribe complaint bagkus ay hiningan lang ng paliwanag hinggil sa pagtungo ni Ret. Col. Mariano sa kaniyang opisina noong Hunyo 10, 2010 bago magtungo sa tanggapan ni Atty. Ric Diaz, hepe ng Counter Terrorism Unit, para humingi ng permiso na makausap si Dalandag.
Gayunman, pag-aaralan pa rin ng NBI-IAD kung may dapat panagutan sina Mantaring at Diaz sa kabiguan nilang agad na aksiyunan ang pagtatangkang panunuhol ng nasabing emisaryo umano ng pamilya Ampatuan.
Kabilang sa nagsumite na ng paliwanag ang dalawang security men ni Mantaring, na sina Melbnert Jusay at Dominmgo Buenaobra, na nag-escort pa umano kay Mariano sa pagtungo sa opisina ni Diaz.
Sa affidavit naman ni Diaz na inihain sa IAD, nagtangka si Mariano na suhulan ng P10-milyon si Dalandag upang bawiin ang pagdadawit nito kay Zaldy Ampatuan, sa Maguindanao massacre.
Una nang sinabi ni Mantaring na hindi niya matandaan kung nagdaan sa kaniyang tanggapan si Col Mariano.