MANILA, Philippines - Tila kamalasan pa ang napala ng dalawang lalaki na tumulong sa isang biktima ng snatching matapos na sila ang mapagbalingang saksakin ng suspect sanhi upang mapatay ang isa at masugatan naman ang isa pa sa Brgy. Commonwealth Quezon City, kamakalawa.
Ayon sa ulat ni SPO2 Rafael De Peralta ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nakilala ang nasawi na si Sedrick Vinoya 29; habang sugatan ang ka sama nitong si Harold Meniel 20, kapwa residente ng Grapas St. ng naturang lungsod.
Base sa report bandang alas-10 ng gabi nang mangyari ang insidente habang ang dalawang biktima ay nasa loob ng kanilang bahay at nagpapahinga.
Bigla na lamang umanong nakarinig ang mga ito ng paghingi ng saklolo mula sa isang Ma. Arlene Lorenzo na nabiktima ng isnatcher.
Bilang concerned citizen, agad na lumabas ang mga biktima at saka mabilis na hinabol ang suspek na nagtatakbo sa eskinita malapit sa Mango St.
Nang masukol ng mga biktima ang nasabing snatcher ay agad bumunot ng patalim at saka hinalihaw ng magkasunod na saksak ang mga biktima.
Sa puntong ito, nagtamo ng saksak si Vinoya sa dibdib at tiyan, habang si Meniel naman ay nagtamo naman ng saksak sa tiyan. Agad namang tumakas ang suspect matapos ang pananaksak.
Isinugod naman ng kanilang mga kaanak ang mga biktima sa Malvar General Hospital kung saan idineklarang dead on arrival si Vinoya habang inilipat naman sa East Avenue Medical Center si Meniel.