MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang barker matapos barilin sa ulo ng isang rider sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Francisco Antonio, 24, miyembro umano ng “Bahala na Gang” at naninirahan sa Calvang Hills, Brgy. Damayan Lagi, Quezon City.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Aurora Blvd. corner Stanford St., Brgy. Socorro, Cubao bandang alas-10:45 ng gabi.
Bago ang insidente, naikuwento pa umano ng biktima sa ilang kaibigan na may lalaking sunod nang sunod sa kanya sakay ng motorsiklo.
Pero dahil hindi batid ng biktima ang tunay na pakay ng naka-motorsiklong lalaki ay nagpatuloy ito sa kanyang trabaho bilang barker ng pampasaherong jeepney.
Kasalukuyang nagtatawag ng pasahero ang biktima sa nasabing lugar nang biglang sumulpot ang isang motorsiklo na lumapit sa una at walang kaabug-abog na pinaputukan ito sa ulo.
Nang bumuwal sa kalye ang biktima ay agad na tumakas ang suspek sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Neil Garnace ng Crime Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police, lumalabas na bago ang pamamaril ay may nakaalitang drayber ng jeep sa pila ang biktima. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.