'Oplan Unos' inilunsad ng MMDA
MANILA, Philippines - Ilulunsad ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “Inclement Weather Emergency Preparedness and Response Plan” o tinawag nilang “Oplan Unos” na magiging basehan ng kanilang sistematikong aksyon sa oras ng mga kalamidad na tumatama sa bansa.
Sinabi ni MMDA Chairman Oscar Inocentes, ang Oplan Unos ang kanilang tugon sa isinasaad ng Republic Act 7924 na siyang lumilikha sa ahensya at nagsasaad din na ito ang pangunahing ahensya na tutugon sa mga kalamidad sa Kalakhang Maynila.
Pangunahing tututukan ng programa ang mabawasan ang masamang epekto sa mga ari-arian at buhay sa pagsalanta ng mga bagyo, matinding ulan, at pagbabaha sa pamamagitan ng pagpapakalat ng impormasyon, maagang babala at mga advisories.
Tatlong alert levels ang ipalalabas ng MMDA depende sa sitwasyon ng panahon: Una ang “code yellow ” sa oras na mamataan ng PAGASA ang isang “low pressure” sa teritoryo ng Pilipinas; “code blue”, kapag naitaas na ang signal no. 1 sa Metro Manila o nakararanas na ng matinding ulan sa loob ng isang oras; at “code red”, kapag itinaas ang signal no. 2 sa Kamaynilaan. Tatlumpung porsyento ng mga tauhan ng MMDA ang ikakalat sa “code yellow”, 60% kung itinaas ang “code blue” at 100% ng tauhan ang itatalaga sa oras ng “code red”.
- Latest
- Trending