MANILA, Philippines - Inilabas kahapon ng Eastern Police District (EPD) ang mga “cartographic sketch” ng dalawang hinihinalang miyembro ng bagong sindikatong tinawag na “Bundol Gang” na nambibiktima ng mga OFWs, balikbayan at mga turista na dumarating sa bansa.
Inilarawan ang unang suspek na nasa pagitan ng edad na 40-45 anyos, may taas na 5’10’’-6 feet, matipuno ang katawan, kayumanggi at nakasuot ng de-kulay na jacket na may hood at itim na pantalon.
Sangkot ito sa panghoholdap at pagtangay ng sasakyan ng negosyanteng si Jorge Bernas, bayaw ni dating Presidential daughter Luli Arroyo noong Hunyo 19 sa Pasig City.
Nasa pagitan ng edad na 28-35 anyos naman ang ikalawang suspek, may taas na 5’7’’-5’9’’, katamtaman ang katawan, maputi, at nakasuot ng t-shirt at shorts.
Kabilang naman ito sa nambiktima sa American national na si Frederick Allan Boutcher, 62, sa EDSA-Shaw underpass sa Mandaluyong City nitong Hulyo 16.
Nagbabala naman si EPD director Chief Supt. Francisco Manalo sa mga lumalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na maging mapagmatyag sa mga sumusunod sa kanila buhat sa paliparan upang hindi mabiktima ng sindikato. Modus-operandi ng grupo ang pag-aabang ng mga OFW, balikbayan o turista na may dalang malaking halaga buhat sa airport, susundan, at bubundulin sa likuran ang sasakyan pagdating sa alanganing lugar kung saan dito magdedeklara ng holdap. Sinabi pa ni Manalo na karaniwang nag-ooperate ang sindikato ng apat hanggang limang miyembro na armado ng mga handguns at maging carbine rifle.
Naniniwala rin ang pulisya na may kasabwat ang sindikato sa mga tauhan ng airports na nagbibigay ng tip sa kanila kung sinong pasahero ng eroplano ang may dalang malaking halaga ng salapi sa kanilang bagahe. Nabatid na nakapambiktima na rin ang sindikato sa Pasay City at Maynila.