Call center agent nag-upload ng sex video, tiklo
MANILA, Philippines - Isang 25-anyos na call center agent na inireklamo ng kaniyang dating kasintahan dahilan sa pag-upload ng kanilang sex video sa Facebook ang inaresto ng mga operatiba ng pulisya sa isang mall sa Ermita, Maynila kahapon ng umaga.
Sapak sa mukha ang sumalubong sa suspect na si Edwardson Base, call center agent sa Mandaluyong City, residente ng Commonwealth, Quezon City mula sa bagong nobyo ng dating nobya nitong itinago sa pangalang Katrina.
Si Katrina kasama ang kaniyang bagong boyfriend ay sinamahan pa ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ng makipag-eyeball sa isang mall sa Ermita sa suspect.
Base sa reklamo ni Katrina, 20-anyos, estudyante at tubong Nueva Ecija, ang kaniyang dating nobyong si Base ang nag-upload sa Facebook ng kanilang sex video noong Hunyo 16, 2010.
Sa salaysay ng biktima kay C/Insp. Marcelo Reyes, hepe ng MPD-General Assignment Section, tinawagan niya kaagad ang dating nobyo hinggil sa sex video na napanood sa Facebook at tatlong araw umanong magkakasunod at paulit-ulit na ipinadala ang nasabing sex video sa kaniyang mga professor at mga kaibigan.
Inamin naman ng biktima na may apat na taon na silang magkasintahan ng suspect, matapos niya itong maka-textmate na humantong sa minsang pagtatalik. Nakipagkalas siya sa suspect nitong Mayo 2010 dahilan hindi ito gusto ng kaniyang mga magulang at may iba na siyang minamahal.
Nagulat na lamang ang biktima nang makita sa Facebook at ibalita ng mga kaibigan na may sex video sila ng dating nobyo. Tinawagan niya ang dating nobyo at nakiusap na tigilan na ang ginagawa subali’t hiniling umano nito na magkita sila sa SM-Manila na nagresulta sa pagkakasakote sa suspect dakong alas-10 ng umaga kahapon.
Humihimas na ng rehas na bakal ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Womens Against Violence) at Anti-photo at Voyeurism Act of 2009 ang suspect.
- Latest
- Trending