MANILA, Philippines – Pangungunahan nina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte bukas ang pagpapasinaya at pilot testing ng dalawang electronic jeepneys o E-jeepneys para isulong ang paggamit ng alternatibo at environment-friendly na sasakyan sa QC.
Ang pilot testing na isasagawa matapos ang flag-raising ceremony ay bahagi ng ilulunsad na “Project Hatirang Bayan” ng Environmental Protection and Waste Management Department (EPWMD) ng Quezon City Government.
Ayon kay Drei Po, acting chief ng plans and program division ng EPWMD, ang dalawang E-jeepneys na may 14 seat-capacity ay iikot sa city hall grounds sa unang araw ng test drive.
Sa Martes naman sisimulan ang magiging regular routes nito mula at papunta sa Barangay Vasra malapit sa barangay hall hanggang Kalayaan Avenue na malapit naman sa justice hall.
Magsisimula ang libreng sakay bandang alas-7 hanggang alas-9 ng umaga at bukas ito sa mga empleyado ng Quezon city hall maging sa publiko.
Sa hapon, magsisimula muli ang libreng hatid mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi mula Kalayaan Avenue, paikot ng elliptical road, dadaan ng Quezon Avenue patungo ng MRT/Trinoma EDSA.
Sinabi ni Po na ang testing ay gagawin sa loob ng isang buwan upang madetermina ang “viability, emission testing, health, environment at economic concerns” ng sasakyan bago magrekomenda kung bibili ng sasakyan.
Ang bawat unit ay nagkakahalaga ng P625,200. Ito ay libreng ipagagamit ng MD Juan, isang lokal na kumpanya sa loob ng isang buwan.Ang nasabing kumpanya ang siya ring nagsuplay ng sasakyan na ginagamit ng lokal na pamahalaan ng Makati City , Ilocos Sur at Puerto Princesa, maging ng Kongreso at Central Bank of the Philippines .
Walo hanggang sampung oras ang charging time nito para sa 55 kilometrong layo ng biyahe.