MANILA, Philippines – Nabibilang na ang araw ng mga pampasaherong jeep sa Sta. Cruz, Maynila matapos na ipasya ng Manila City Hall na tanggalin na lamang ang terminal ng mga pampasaherong jeep dito na nagdudulot ng away sa pagitan ng grupo ni Zeny Maranan ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at ni George San Mateo, pangulo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).
Ayon kay Chief of Staff Ric de Guzman, mas makabubuting alisin na lamang ang terminal ng jeep sa Sta. Cruz, Maynila na may rutang Sta. Cruz-Divisoria upang matigil na rin ang away sa pagitan ng dalawang grupo.
Sinabi ni de Guzman na walang katotohanan ang pahayag ni San Mateo na nalulugi ang mga driver sa kanyang grupo dahil sa pagsingit sa pamamasada ng mga driver na nasa grupo ni Maranan.
Giit ni de Guzman, ang grupo ni San Mateo ang hindi sumusunod sa usapan at sa halip ay nais nitong huwag nang makapasada pa ang mga driver mula sa FEJODAP.
Ipinaliwanag ni de Guzman na batay sa kanilang napagkasunduan, limang jeep mula sa PISTON ang mauuna sa pilahan habang ang ika-anim ay mula sa FEJODAP na muling susundan ng taga-PISTON sa ika-pitong pila.
Subalit ayon kay De Guzman, inaangalan pa rin ni San Mateo ang patakaran na hindi naman makatarungan. Aniya, niluluwagan ng pamahalaang lungsod ang regulasyon upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng driver na kumita.
Ngunit sa aksiyon at reklamo ni San Mateo, mas makabubuting alisin na lamang ang terminal. Aniya, makatutulong pa ito sa pagluluwag sa daloy ng trapiko sa lugar.
Kasabay nito, sasampahan din ng kasong slander ni de Guzman si San Mateo matapos na sabihin nito na kinokotongan niya ang mga driver.