Mababang water level sa Angat Dam: Maynilad customers, apektado sa supply ng tubig
MANILA, Philippines – Ilang lugar ang makararanas ng mahinang supply ng tubig habang ang iba naman ay anim na oras na makakaranas ng pagkawala ng supply ng tubig ng Maynilad waters hanggang matapos ang buwan ng Hulyo ng taong ito sa Metro Manila at karatig lugar .
Ito naman ang ipinahayag ng Maynilad waters, bunsod ng ginawang pagbabawas ng 30 porsiyento ng sinusuplay na tubig ng kumpanya sa mga water consumers nito dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa Angat dam na nagsusuplay ng tubig sa Kalakhang Maynila.
Bunsod nito umaabot sa 46 na porsiyento ng water consumers ay makararanas ng paghina ng suplay ng tubig at ang may 10 porsiyento ng mga water consumers ay apektado ng anim na oras na pagkawala ng suplay ng tubig.
Ilan sa mga lugar na matinding maaapektuhan hanggang sa matapos ang buwan ng Hulyo ang 22 barangay sa Quezon City, 13 barangay sa Caloocan City, tig-apat na barangay sa Malabon at Valenzuela City habang dalawa sa Las Piñas City at isa sa Navotas.
Anumang araw at oras ay makararanas ng paghina ng tubig ang Fairview-Commonwealth partikular sa Brgy. Batasan, Bagong Silangan at Holy Spirit, Quirino-Roosevelt partikular sa barangay 158, 159, 160, 161, 162, 163, 164, Sauyo at Talipapa.
Gayundin sa Novaliches-Valenzuela sa Maysan, Marulas at Gen. T. de Leon at sa Malabon-Navotas partikular ang Barangay 1313, Morning Breeze at Potrero.
Wala ding takdang oras at araw na tatama ang anim na oras na pagkawala ng tubig sa Fairview-Commonwealth partikular sa barangay San Bartolome, Bagong Silangan, Batasan Hills, Payatas at Holy Spirit gayundin sa North Caloocan sa barangay 176 at 183 kasama din ang Quirino-Roosevelt sa barangay 156, 157 at 167, Apolinio Samson, Batasan, Bahay Toro, Balingasa, Balong Bato, Damayan, Del Monte, Katipunan, Mariblo, Paltok, Paraiso, San Antonio, Sangandaan, Sto. Niño Talipapa at Veterans.
Anim na oras ding walang tubig sa Malabon-Navotas partikular sa Acacia at Bagong Barrio, Monumento at Potrero gayundin sa South Caloocan sa Longos at NBBS.
Upang hindi gaanong maranasan ang pagkasayang ng tubig, patuloy naman ang sinasagawang regular system adjustments sa mga pipe distribution network.
Nagtalaga na rin ang Maynilad ng 28 water tankers na naka-instala sa may limang stationary water tanks, binuhay ang apat na balon o deepwells kaya’t mula dito ay nakatipid mula sa pagkasayang ang may 113 MLD (million liters) sa isang araw mula pa noong buwan ng Pebrero sa ilalim ng pinatinding leak repair program ng kumpanya.
Nakiusap din ang Maynilad waters sa mga water clients nito na gamitin ang tubig sa mas mapapakinabangang bagay at huwag sayangin tulad na lamang ng matinding paggamit ng tubig sa paghuhugas ng sasakyan. Mas mainam anilang humanap din ng paraan ang mga tao kung paano makakatipid sa paggamit ng tubig sa kani-kanilang tahanan.
Habang patuloy anila ang pagbaba ng water level sa Angat Dam ay patuloy na makararanas ang mga tao ng patuloy na pagbaba ng suplay dahil hindi sapat ang mga pag-uulan nitong mga nakaraang araw para tumaas ang water level sa Angat dam.
- Latest
- Trending