Ayaw tumigil sa pag-iyak: Paslit todas sa gulpi ng ama
MANILA, Philippines – Makaraang ayaw tumigil sa pag-iyak, patay ang isang 3 taong gulang na bata matapos na hagupitin ng sinturon ng kanyang ama na pinaniniwalaang bangag sa ipinagbabawal na gamot kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Namatay din sa Sta. Teresita Hospital ang biktimang si Kareene Chloe Delfin, habang nakakulong naman ang suspect na si Frederick Malvas, 31, private driver, at nakatira sa #17 Atok St., Brgy. Sto. Domingo Q.C.
Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO2 Mario Turiano ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente dakong 10:30 ng gabi sa loob ng bahay ng mag-ama.
Nauna rito, pumalahaw ng iyak ang biktima nang umalis ang inang si Karen Delfin para pumasok sa trabaho bilang isang call center agent.
Dito na naburyong ang suspect at saka walang habas na pinagpapalo ng sinturon sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng bata. Matapos ang pagmamaltrato, nadumi ang bata at saka nawalan ng malay dahilan para isugod ito sa ospital. Lumilitaw naman sa pagsusuri na nagtamo ang biktima ng mga pasa at galos sa ulo, noo, likod, hita at leeg.
Ayon naman sa suspect, nais lamang niyang disiplinahin ang bata at hindi niya inakalang mamamatay ito.
Sa kabila nito, desidido naman si Karen na sampahan ng kaukulang kaso ang live-in partner na si Malvas.
- Latest
- Trending