8 Tsinoy, 2 pa laglag sa pekeng alahas

MANILA, Philippines - Binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) ang sampu katao kabilang ang mga negosyanteng Chinese dahil sa reklamo ng ilang cus­ tomer na nabentahan ng pekeng alahas sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ang mga dinakip na sina Rose Chan, 24; Joy Tan, 20, may-ari ng Wang Fu jewelry shop at saleslady na si Rizza Balibago, 25; Honey Ang, 23, ng China Plaza Gold Center; Chie Ong, 20 at Sally Ang, 20, may-ari ng Abbey Jewelry Store Stall D3, China City Gold Center at mga empleyado nilang sina Tessie Sy; Julya Chan, 20, ng Abbey Jewelry Store Stall O, China City Gold Center at mga empleyado nilang sina Kana Chan, 23, at Nadgie Casipi, 21.

Apat na tindahan ang sinalakay ng grupo ng MPD-GAS sa pamumuno ni C/Insp. Marcelo Reyes, sa Binondo, Maynila, dakong 4:30 kamakalawa ng hapon matapos idulog nina Phoebe Padrones, 36, negosyante ng Parañaque City at Ritchie Sibayan, 28, call center agent ng Pasig City ang panlo­lokong ginawa sa kanila sa pagbili ng pekeng alahas.

Ayon sa reklamo ni Padrones, Hulyo 10, 2010 ng bumili siya ng mga alahas na nagkakahalaga ng P22,500 sa Abbey Jewelry Store kung saan sina Sy, Ang at Ong ang kanyang kausap. Aniya, hindi tugma ang gramo at bigat ng ginto sa sinasabi ng mga suspect.

Gayundin ang sinapit ni Sibayan na bumili ng P5,500 halaga ng alahas sa nasabi ring tindahan kung saan sina Casipi, Kana at Chan ang nagbenta.

Sa pahayag ng dalawang biktima, niloloko ng mga ito ang mga customer kung saan nilalagay sa tag ang mataas na gramo ng ginto upang manlinlang.

Ayon naman kay Reyes, nagsasagawa na rin sila ng monitoring sa iba pang mga stall na nagbebenta ng pekeng alahas.

Show comments