MANILA, Philippines - Tinutugis na ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang retiradong opisyal ng Philippine Air Force (PAF) na itinuturong nagtangkang manuhol ng P10-milyon sa isang key witness upang bawiin ang kaniyang salaysay kaugnay sa November 23, 2009 Maguindanao massacre.
Sinabi din kahapon ni Atty. Oscar Embido, hepe ng NBI-Internal Affairs Division (IAD), na sinusubukan din nilang kontakin si dating NBI Director Nestor Mantaring upang linawin ang isyu ng bribery.
Nabatid na inatasan ni NBI Director Magtanggol Gatdula ang IAD na magsagawa ng imbestigasyon sa reklamo ni Ric Diaz, hepe ng Counter Terrorism Unit (CTU) kaugnay sa tangka umano ni Ret.Col. Antonio Mariano na suhulan ang testigong si Kenny Dalangdag.
Nakapaghain na rin umano ng kani-kanilang affidavit si Diaz at dalawang security guard na sina Melbert Jusay at Domingo Bonaobra, na inutusan ng aide de camp ni Mantaring upang samahan si Mariano sa tanggapan ni Diaz noong Hunyo 10, 2010.
Ayon umano sa mga sekyu, hindi nila alam kung ano ang dahilan nang pagbisita ni Mariano sa tanggapan ni Diaz.
Naging tugma naman ang salaysay ni Dalangdag sa akusasyon ni Diaz nang sabihin nito na may kumokontak sa kanyang pamilya na nag-aalok din ng P20-milyon.
Naniniwala si Embido sa pangako ni Dalangdag na hindi siya uurong sa pagtestigo at tanging hiling lamang umano ang kaligtasan at proteksiyon ng kanyang pamilya.